Ang Kahalagahan ng Kabataang Pilipino sa Aktibismo

andrea tibayan
3 min readNov 22, 2016

--

Mayroon akong nakitang larawan sa Twitter noong isang araw, at ito’y ang mga estudyante sa St. Scholastica’s College, Manila na nakikilahok sa pagpoprotesta laban sa paglibing ni dating pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ipinakita sa balita na palihim na inilibing ang dating diktador bago pa matapos ang 15 araw ng pag-file ng Motion for Reconsideration sa desisyon ng Korte Suprema sa kanyang kontrobersiyal na pagpapalibing. Dito nagsimula ang libo-libong kilos-protesta laban sa gawing ito ng mga Marcos.

Bago mo pa husgahan ang sanaysay na ito at sabihing panungkol na naman ito sa walang katapusang isyu sa paglibing ni Ferdinand Marcos, hindi ito ang pokus ng aking isusulat (sapagkat isa pa iyong paksang hiwalay kong itatalakay). Ang saysay ng sanaysay na ito’y para malaman niyo kung gaano kahalaga ang ginagampanan ng mga kabataang Pilipino sa pakikilahok sa iba’t ibang isyung panlipunan sa ating bansa.

Labis na nakalulungkot makita ang karamihan sa mga reaksyon ng tao sa larawan ng mga taga-St. Scho sa social media. Sinasabi nilang “mag-aral na lang kaysa magprotesta” o “sinasayang lang ang matrikula ng mga batang ito” at sinasabi rin nilang diumano’y isang halimbawa na raw ito ng abuso sa mga menor de edad. Tadtad ang mga estudyanteng ito sa batikos dahil sa kanilang pakikilahok sa isang adbokasiyang kanilang pinaniniwalaan. Kahit pinayagan naman sila ng kanilang mga magulang gamit ang consent form, tuloy pa rin ang kritisismo ng mga Netizens sa kilusang ito. Bilang bahagi rin ng kabataang Pilipino, nakawawalang-gana at nakadidismayang makisali sa diskursong tulad nito; ngunit, hindi dapat ito ang hinihimok sa atin.

Ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan, ika nga ni Jose Rizal; ngunit bakit sila patuloy na pinatatahimik ng karamihan sa ating lipunan? Bakit ginagamit na dahilan ang “walang alam” o “bata pa lang ‘yan” sa mga kabataang gustong makibahagi sa diskursong intelektwal? Sa sanhing ito, mas lalong tumitikom ang bibig ng isang batang maaaring makapamahagi ng kanyang kuro-kurong makatutulong sa kinabukasan ng bayan. Sabi nga ni Shibby Lapena De Guzman — ang babaeng may hawak ng mikropono sa litrato — “don’t ever underestimate the youth.” (Huwag na huwag mamaliitin ang kabataan.) Kaya sila nag-aaral ay dahil ito’y nakatutulong sa kanilang kamulatan ukol sa paksang kanilang ipinaglalaban. Bilang isang magulang, dapat nga’y ikinatutuwa ang pakikipagsabayan ng kanilang anak sa mga isyung napapanahon sa ating lipunan, sapagkat dito nila nalalapat ang kanilang natututunan sa paaralan.

Sana’y ipagpatuloy nating himukin ang kabataang ipaglaban ang kanilang iba’t ibang paniniwala ukol sa mga umiiral na suliraning pambansa kagaya ng ginawa ng St. Scholastica’s College kaysa patahimikin, maliitin, at balewalain ang kanilang mga opinyon. Isa sa mga pinakamahalagang layunin ng edukasyon ay ang magamit ang kaalamang natamo ng mga estudyante sa paaralan at maibahagi nila ito sa totoong buhay. Ano pa nga ba ang silbi nito kung hindi siya maeensayo nang mabuti sa pamamagitan ng mga kilusang katulad ng protestang ito?

--

--